Mga uban sa ulo, pananakit ng katawan, paglabo ng mata, paghina ng pandinig, pagkilos ng mabagal, pagiging ulyanin, atbp., Ilan lamang ito sa mga senyales na ang isang tao ay matanda na o tumatanda na.
Kadalasan ang pagtanda o ang pag-edad ay kinatatakutan ng ilan sa atin. Or kung hindi man kinatatakutan, gusto natin i-delay ng konte. Sino ba naman ang ayaw maging bata, diba?
“Kalabaw lang ang tumatanda.” Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang narinig ‘yang linyang iyan. Tipikal kase nating naririnig ‘yan sa mga may edad na.
Nung nakaraang linggo ay naimbitahan ako ng aking kaibigan sa birthday celebration ng kanyang Ina na si Mommy Seb. Sakto din daw na makadalo ako kase kinabukasan nung araw na ‘yun ay ako naman ang magce-celebrate ng birthday.
Nasa iisang mesa lang kami ni Mommy Seb. At habang kumakain ako, di ko maiwasang tingnan si Mommy Seb habang busy siya sa pagkain ng kanyang salad.
“Siguro ganyan na din itsura ng Mommy ko kung nabubuhay pa siya. Halos magkasing-edad lang sila eh.”
“Malamang puti na din buhok ni Mommy, tsaka mabagal na din siguro siya kumilos.”
Binabanggit ko ang mga katagang ‘yun sa sarili ko habang nagbabalat ng hipon. Medyo nakaramdam ako ng konteng lungkot. Hindi dahil hirap ako magbalat ng hipon, kundi dahil ‘di na ako nabigyan ng chance na makitang umedad ng ganun ang Nanay ko.
Wala pang singkwenta anyos ang Nanay ko nung siya ay lumisan. Mahigit sampung taon na din pala ang nakakaraan.
Siguro kung buhay pa siya, madami na din siyang uban. Malaki-laki na din siguro kikitain ko nun kada isang hibla kapag pinabunot niya sa akin.
Or baka nira-rayuma na din siya. Ilang beses kaya niya akong uutusang bumili ng Naproxen sa botika?
Makakalimutin na din siguro siya. Malamang lagi niyang ipapahanap sa akin yung salamin niya na nakapatong lang naman pala sa ulo niya.
Marunong kaya siya gumamit ng mga bagong cellphone ngayon? Sigurado panay ang tanong sa akin nun ng mga settings sa bago niyang smart phone.
Siguro magkukwento na naman ‘yun ng istorya patungkol sa kabataan niya, na naririnig na naming magkakapatid noong maliliit pa lang kami.
Nagso-social media din kaya siya? Tingin ko magpapaturo sa akin ‘yun kung paano mag-tag ng mga friends niya.
‘Yan ang mga tanong ko sa sarili ko na alam kong hindi na masasagot. Pero kung sasagutin ko ‘yung tanong sa pamagat ng blog na ito, ang sagot ko ay Oo. Gusto kong tumanda. At hindi lang ako, pati sana yung mga mahal ko sa buhay, gusto ko silang tumanda kasabay ko.
Sa mga nakakabasa nito, kung may edad na ang mga magulang niyo huwag niyo silang kainisan kung bugnutin na sila.
Huwag kayong makulitan kung nagiging ulyanin na sila.
Huwag kayong mapagod kakaalalay sa kanila dahil mabagal na sila kumilos.
Huwag niyo silang sigawan kahit na medyo nabibingi na sila.
At higit sa lahat, lumabo man ang piningin nila pero sana huwag lumabo ang pagmamahal niyo sa kanila.
Hindi lahat nabibigyan ng ganyang chance, kaya i-appreciate niyo ‘yan.
Ikaw ba, gusto mo din bang tumanda? O mas gusto mo maging bata?
Hakuna Matata!
God bless everyone.
– Jeff
P.S. Hindi talaga ito ang naka-planong blog post para sa birth month ko. Basta naramdaman ko lang isang araw na gusto kong magsulat ng ganito. Kaya bago matapos ang buwang ito, Ma, belated happy birthday sa atin. We miss you.
Leave a Reply