Personal: Mga Natutunan Ko Sa Gitna Ng Dagat

Tulog na ang mga tao sa paligid at wala na din signal ang phone ko.

Ang tanging naririnig ko na lang ay ugong ng makina, habang dumadampi sa mukha ko ang hangin na ramdam na ramdam ko sa economy class ng barkong sinasakyan ko ngayon.

Binuksan ko ang backpack ko. Kinuha ang isang kwaderno at asul na bolpen.

Inilabas ang headset at isinalpak sa tenga. Nagpatugtog ng Christian music.

Pumikit saglit at huminga ng malalim. (Whew!)

Sakto ang moment na ito para magsulat. Kaya simulan na natin.

 

DCIM104GOPROGOPR2449.

 

*****

Hayaan nyo munang magkwento ako.

Kasalukuyan akong nakasakay sa barko patungong Surigao habang isinusulat itong blog post na ito. Lulan ako ng barkong MV Filipinas Cebu ng kumpanyang Cokaliong Shipping Lines.

Sobrang na-miss ko sumakay ng barko!

Huli kong sakay ng isang legit at malaking barko ay noong May 2003 pa. Ito ay ang MV Princess of the Universe ng kumpanyang Sulpicio Lines.

Kung hindi ako nagkakamali, ang MV Princess of the Universe ang ikalawa sa pinaka malaking barko ng Sulpicio Lines. Nasa 165 meters ang haba nito (katumbas ng lima hanggang anim na basketball court) at kayang magsakay ng mahigit 3,000 ka-tao. Oh diba, I did my research! 😀

Ang MV Princess of the Universe ay merong swimming pool, basketball court, parlor, gym, arcade, magadang lounge, atbp.. Kumpleto ang barkong ito kaya hindi mo ramdam na nasa barko ka.

Noong bata pa ako (elementary days), kada bakasyon ay umuuwi kami sa lugar ng aking Ina, sa isla ng Siargao sa Surigao del Norte, na parte na ng Mindanao.

Sobrang mahal pa noon ang mag-eroplano. PAL pa lang yata ang airline ng mga panahong yun. Kaya ang option lang talaga namin ay mag barko.

Mula Manila papuntang Surigao, aabutin ka ng dalawa’t kalahating araw sa laot. Kung maalon at mabagal ang takbo ng barko, aabutin ng tatlong araw.

Tuwing kinukwento ko sa mga kakilala ko na ganun katagal ang byahe noon kapag umuuwi kami ng probinsya, isa lang ang laging sagot nila, “nakakainip yun!”

Oo, para sa iba nakaka-inip ang ganun katagal. Lalu na ngayon na sanay na tayo magbyahe lulan ng eroplano.

Pero kung ganun ba naman ka-kumpleto ang mga pasilidad, sigurado akong hindi ka mababagot sa gitna ng dagat. At isa pa, bata pa ako nun. Ang gusto ko lang noon ay maglaro sa arcade.

Sa sobrang dalas ko sa arcade nun, hindi ko na mabilang sa daliri ko kung ilang beses ko nang natapos ang Street Fighter gamit lamang ang pamatay na sonic boom ni Guile.

Haayyss.. Nostalgic.

So ayun, mabalik tayo sa sinasakyan ko ngayong barko ng Cokaliong.

Noong maliit pa ako, Cokaliong lang ang nag-iisang shipping lines na may Cebu-Surigao route. Hawak nila ang trono na yun ng matagal na panahon.

Pero ngayon meron na silang kalaban, ang Medallion.

Nung bibili pa lang ako ng ticket sa Cebu, sumagi na sa isip kong subukan ang Medallion. Kako baka mas maganda ang mga facilities nito kase nga bago.

Pero mas nangibabaw pa din sa akin yung feeling of nostalgia.

Huli ko kaseng sakay ng Cokaliong ay noong September 2002 pa. So more than 15 years na.

Kaya ayun, Cokaliong pa din ang pinili ko. At hindi ako nagsisisi, kase parang lahat bumalik sa alaala ko.

Na-miss ko kase lahat.

Na-miss ko yung amoy ng barko, yung amoy ng pier.

Na-miss ko yung paghiga sa bunk bed ng economy class.

Na-miss ko yung pagdampi ng hangin sa mukha ko habang minamasdan ang karagatan.

Na-miss ko ang malakas na busina ng barko.

Na-miss ko ang Cebu. Na-miss ko ang Surigao.

At higit sa lahat, na-miss ko ang aking Ina.

Siya kase ang kasama ko nung huling sumakay ako ng barko sa Cebu, kaya na-miss ko siya ng sobra.

 

dav

 

Dagat

 

*****

 

Sa pagsakay kong muli ng barko ay may mga bagay akong napagtanto.

1. Hindi mo agad makikita ang iyong destinasyon.

Kapag nasa gitna ka ng isang malawak na karagatan, mahirap matanaw kung saan ka
ba talaga patutungo. Sa buhay natin minsan madali tayong mawalan ng pag-asa kapag hindi natin maramdaman ang pag-usad natin. Feeling mo sobrang layo mo pa sa destinasyon mo, or worse, feeling mo hindi ka na talaga makararating pa dun.

Pero gaya ng isang barko, mabagal man ang pag-usad ay siguradong makararating ka pa din sa destinasyon mo. Basta ituloy mo lang ang paglalayag, kaibigan.

 

2. Hindi sa lahat ng oras ay maganda ang panahon at payapa ang dagat.

May mga punto sa buhay natin na maganda at masaya. Pero minsan may mga pagkakataon din namang hindi. Dapat matutunan nating tanggapin na hindi sa lahat ng oras eh kalmado ang karagatan. May mga alon at unos tayong mararanasan, at parte na iyon ng buhay.

Pero gaya ng isang barko (tayo) na ginawa upang maglayag (mabuhay), kahit anong unos at alon (pagsubok) pa ang ating maranasan, nandyan lagi ang Kapitan (ang Diyos) para i-maniobra tayo patungo sa ating destinasyon.

*****

Kaibigan, malayo-layo na din ang iyong paglalayag. Ngayon ka pa ba titigil sa gitna ng laot?

 

Hakuna matata!

God bless everyone..

– Jeff

 

“I’m not afraid of storms, for I’m learning how to sail my ship.”

– Louisa May Alcott

 

Shades of Wanderer signature

 

Leave a Reply

Comments 7

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Pin It on Pinterest

%d bloggers like this: